Electric Cooperatives and Private Utility Companies ay mayroong mga Accredited Electricians. Naaayon ba ito sa batas ng Elektrikal o R.A. 7920 New Electrical Engineering Law ng Pilipinas?
This is a letter made by Engr. Dennis Jay Mazo, isang Registered Electrical Engineer.
Accreditation ng Electricians: Naayon ba sa Batas?
Ang usapin pong ito ay magandang pagkakataon upang talakayin ang napakaraming puntos hinggil sa accreditation ng electricians ng anumang kooperatiba o utility companies. Ang talakayang ito ay pwedeng maging basehan sa mga susunod na hakbang ng isang kasapi o mga kasapi ng IIEE upang ito ay mabigyan ng solusyon ng mga kinauukulan ayon sa akma at legal na proseso.
Sa akin pong munting kaalaman ang mga electric cooperatives at pribadong utility companies ay hindi pinagbabawalan ng anumang batas o regulasyon na magkaroon ng accreditation ng electricians. Lalo na po at ang karaniwang adhikain nito ay mapabilis ang proseso ng pagpapakabit ng serbisyo ng kuryente at matulungang maiangat ang kaalaman ng mga electricians sa pamamagitan ng seminars at trainings na isinasagawa ng nasabing kompanya.
Subalit mainam din po siguro sa muling pag-aralan ang ilang mahahalagang bagay sa implementasyon ng accreditation ng electricians na maaaring di umaayon sa batas at nakakaapekto sa mga lisensyadong propesyonal.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang pagpirma ng mga accredited electricians, na karaniwan ay di naman mga lisensyadong propesyonal, sa anumang dokumento na nagpapatunay na ang electrical installation ay isinasagawa nila at marapat lamang na naayon sa standards na itinatadhana ng Philippine Electrical Code o PEC.
Ang bagay po na nabanggit ay malamang na labag sa practice ng electrical engineering ayon sa itinatadhana ng batas na umiiral.
Kung atin pong sisiyasatin ang ilang provisions ng umiiral na batas (RA7920), partikular na ang Section 31, nasasaad po dito na mga rehistradong propesyonal lang ang maaaring MAGSAGAWA o MANGASIWA ng anumang electrical installations. Base po dito, ayon sa aking pananaw, ay marapat lamang na ang magpapatunay na nagsagawa o nangasiwa ng anumang electrical installations at magpapatunay na ito ay ligtas, naayon sa standards at batas ng anumang electrical installation ay ang mga REHISTRADONG PROPESYONAL din MISMO.
Nais ko lamang pong linawin na ang mga accredited electricians na nabanggit ay di inaalisan ng karapatan o puwang sa proseso ng electric service connection o anumang electrical installations kung siya ay nasa DIREKTANG pangangasiwa ng mga lisensyadong propesyonal. Ang pagpirma po ng hindi lisensyadong accredited electrician sa usaping ito ay malamang sa paglabag sa RA7920.
Magkaisa po tayo na tulungan na magkaroon ng puwang ang mga lisensyadong propesyonal sa proseso.
Tulungan po natin na ang mga electricians ay tumaaas pa ang kakayanan at kaalaman at maging certified ng TESDA o maging RME.
Magkaisa po tayo na maisaayos ang sistema upang matulungan ang ating propesyon.
Tulungan po natin ang ating asosasyon na IIEE at ng maipatupad ng otoridad ang RA7920.
Para sa karagdagang mensahe o katanungan maaari po ninyo akong kontakin sa link na ito https://www.facebook.com/Engr.DennisJ/.
Dennis Jay Mazo
Rehistradong Inhinyero Elektrikal
Mayo 27, 2020
Paalala: Ang mga nabanggit ko po na mga pahayag sa mga paksa sa dokumentong ito ay pawang mga opinion ko lamang at hindi nagsasabi na ito ay tama ayon sa itinatadhana ng batas. Ang mga kinauukulan pa din po ang may karapatan magbigay ng fianl o panghuling opinion hinggil dito.